Ang Kahirapan sa Bansang Sinilangan
Labis na nagdadalamhati ang aking kaluluwa
Hirap sa Pagkain, gutom ang sikmura
Ang aking baga wala nang maihinga
Nasaan ang Bathala, makialam ba Siya?
Kung bakit hirap ang minsa’y bansang sagana
Madilim ang bawat sulok na nakikita
Mga islang sagana sa perlas, walang pruweba
Mga naniniraha’y nagtitiis sa dusa
Sa bawat bagyong bumabayo
Hinagpis ang dala ng bawat peligro
Ang tamis sa ngiti napilitang maglaho
Mga bangkay na tinangay unti-unting bumaho
Buto at balata ang siyang natira
Lantay na katawan kinain ng buwaya
Pinagpiyestahan, pinatay ng walang awa
Mga buwaya’t baboy di na nahiya
Labis niyang pagsisihan
Kung bakit Siya’y isinilang
Sa bansang alipin kanyang pinagmulan
Gusto niyang makawala sa bilangguan
Nilibing ka ng dayuhan
Sunud-sunuran sa kamadag ng cobrang makapangyarihan
Maging sarili mong anak ika’y tinalikuran
Para sa mas masarap na buhay sa ibang bayan
Sa Diyos nananalig, nawa ika’y kanyang tulungan
Hinagpis ng inang labis na nagdaramdam
Mga Pilipinong di nakikialam at walang pakialam
Patuloy na namamayagpag sandata ng kadiliman!
Comments