Bakit Kailangang Lumaban?
Minsan sa ating buhay, darating tayo sa puntong hindi na natin kaya ang bigat na ating nararamdaman. Sisigaw tayo, iiyak ng taimtim, papatak ang maraming luha, magtatanong kung may nakakaunawa, at maaring mag-iisip na wakasan na ang lahat. Mahirap maging "tao", mahirap ang mga balakid at problema pero sana atin ding maisip na posible itong masolusyonan.
Galing ako sa isang mahirap na pamilya; walang trabaho ang aking ina at ang ama ko nama'y farmer lamang. Mahirap ang aking naging buhay, hindi naging madali mawalan ng baon para makapasok sa eskwela. Hindi madaling umiyak dahil wala ka ng pamasahe or pambayad ng matrikula. Minsan kong naitanong kung bakit napakatanga ng aking mga magulang, kung bakit wala silang pera at hindi nila kayang maibigay ang aming mga pangangailangan.
Nakapagtapos ako sa isang public school ng elementary at sekondarya. Sa katunayan, class salutatorian ako sa Special Science Class ng isang National High School sa amin. Kahit sa sobrang hirap pampinansyal, nakaya kong labanan ang mga bagyo. Nagawa kong matapos ang high school, mabuti na lamang at wala masyadong gastos sa public high school systems. Ngunit kahit ganoon, naging hindi madali pa rin ang mga hamon. May mga panunukso dahil sa hindi maganda ang uniporme ko, dahil sa hindi ko mabili ang mga bagay-bagay na uso or "in" para sa mga kabataan, at dahil sa kung anu anong dahilan.
Hindi ko na inaasahan pang makapag kolehiyo. Saan ba namin kukunin ang perang pang tuition para makakamit ng degree? Siempre mukhang wala ng pag-asa. Ngunit sa isang hindi inaasahang pagkakataon, nakapag apply ako ng CHED Scholarship, at sa awa ng Maykapal at buti na lang "fair" ang sistema nakapasok ako bilang Full Merit Scholar. Ibig sabihin nito, wala akong babayarang tuition and miscellaneous sa Kolehiyo. AT iyon na nga, pumasok ako sa pribadong kolehiyo sa Saint Louis University-Baguio.
Sa tulong ng aking tita na teacher sa barrio namin, nagawa kong makapag college. Hindi naman ganoon kalaki ang naibibigay niya sa akin kaya tipid pa rin ako. Madalas nagigipit pero ganoon pala talaga ang estudyante. Second year college ako nung namatayan pa ako ng ama. Sobrang sakit, sobrang hirap. Maraming beses, gusto ko ng sumuko at ayoko ng lumaban.
Kung ikukumpara ang pinanggagalingan at pinaghuhugutan ko, masasabi kong isa ako sa mga pinakamahihirap in terms of financial na estudyante sa aming department. Pero, buti na lang hindi nagkamali ang Diyos, biniyayaan naman ako ng talino. Consistent Dean's lister ako at tatlong beses/ semester kong naranasang makalibre ng tuition dahil sa ako'y nasa Top 5. Malaking tulong ito para sa isang katulad ko.
Hindi ako sumuko! Nakipaglaban ako sa mga hamon at dagok ng buhay. Hindi naging madali, bagkus napakahirap ng aking pinagdaanan. Ginawa ko kung ano ang tama, naging responsable ako at hindi nagpaawa. Hindi nagbisyo at hindi nawalan ng tiwala.
Sa halos 5 na taon kong pamamalagi sa SLU, nagawa kong tapusin ang kurso kong BS Pharmacy cum laude, 89.20% na General Weighted Average March 2013. Hindi ako agad nag take ng board exam dahil nagtrabaho ako bilang Laboratory Custodian sa University of Baguio. After 5 months, Nang makaipon ako at nagsariling magreview, nag take ako ng Boards January 2014. Kabado ako pero kampante dahil may trabaho naman kahit wala pang lisensya. Ayun nga after 3 days may resulta at ako nga'y TOP 11, sayang hindi pa umabot sa 10th place. 89.30% ang board rating ko at 89.42% naman yung nasa number ten na taga UPM. Masayang masaya ako nung makuha ko ang lisensya ko. Napakalaking bagay ito para sa akin.
Sa ngayon, faculty member ako sa isang unibersidad sa Tuguegarao City. Nag-aaral ng Master's in Public Health (nakatapos ng 33 units) at inaasahang gagraduate ngayong 2017 sa Cagayan State University. Nakapag NMAT ako at nakakuha ng score na 96%. Sa susunod na taon, kapag makukuha ako sa scholarship o may magmabuting loob na mag-sponsor siguro ay itutuloy ko ang mag-aral ng Doctor of Medicine. Alam kong mahirap, magastos, matagal pero hindi nga ba't nakaya ko naman noon. At hindi nga ba't kung gusto, nagagawan ng paraan? Hindi nga ba't basta hindi sinusuko, makakamit din?
Sa pananalig sa Diyos at sa sarili. Sa kagustuhang lumaban hanggang sa kahuli-hulihan, lahat ng gusto maabot din lang. Magtiwala ka! OO, kailangan mong lumaban.
Comments