Hindi Ikaw si Darna, Nahihibang ka ba?
Marami sa atin ang dumaranas ng hinagpis at kahirapan. Mga pagsubok na kailanma'y di natin malilimutan dahil sa pait nitong iniwan sa ating kalooban. Gayunpaman, hindi ba't pruweba na malakas ka at nalagpasan mo ang matinding pagsubok sapagkat ika'y humihinga pa? Isa itong sinyales na mahal ka ng Diyos, dahil ikaw ay nabubuhay pa dito sa planeta. Na kahit gaano kalakas na bagyo ang dumaan minsan o madalas sa iyong buhay, nakakaya mong bumangon. Nanliliit ka sa iyong sarili dahil sa tingin mo walang nangyayari? Pero huwag ka lang panghinaan ng puso, at tatagan mo ang iyong pananampalataya sapagkat darating din ang araw na nakalaan para sa iyo.
Hindi ikaw si Darna na kaya mong iligtas ang buhay ng lahat ng tao. Hindi ikaw si Darna na magbibigay kasagutan para sa lahat. Hindi ikaw si Darna para hindi humingi ng tulong kung ikaw ay labis nang nahihirapan. Bagkus, ikaw ay may limitasyon, sapagkat tao ka tulad ng iba. Kung sa tingin mo hindi mo na kaya, sabihin mo at humanap ka ng taong handa kang ihaon mula sa pagkakadagok mo. Humingi ka ng gabay mula sa Diyos dahil kailanman ay hindi Siya mang iiwan.
Ang Birhen ay nakikinig rin sa iyong mga hinaing. Bawat patak ng luha mo'y kanyang pinapansin. Bilang na nga lahat ng naiiyak mo pero hindi dito nagtatapos lahat sapagkat may bukas pang naghihintay para sa iyo. Bumangon ka lang at gawin mo ang mga kailangan mong gawin. Gawin mo kung ano ang nararapat para sa iyong sarili, para sa pamilya, para sa kapakanan ng iba at para sa iyong bayan. Intindihin mo na hindi lang ikaw ang tao sa mundo, na may ginagalawan kang mundo. May environment ka kaya pahalagahan mo din ito.
Magbigay ka ng liwanag para sa iba. Huwag mong sarilinin ang grasya na bigay sayo. Marunong ipamahagi ito sa iyong kapwa. Dahil hindi yan galing sa yo kundi ito ay bigay ng Maykapal. Maaring talented ka o politician ka o negosyante ka na maraming pera at may nasasabi sa buhay; alalahanin mo na bigay ng Diyos ang iyong talento at biyaya kaya naman dapat lang na ipamahagi mo ito. Magpasaya ka sa ibang tao. Tumulong ka sa ibang tao. Bigyang pag-asa ang mga naghihirap. Mahalin mo ang mundo.
Hindi nga ikaw si Darna pero may magagawa ka. Hind man ikaw si Darna pero kaya mong batuhin ng tinapay ang babato sa yo ng bato. Hindi ikaw si Darna na makapangyarihan pero may kakayahan ka upang makatulong. May silbi ang iyong buhay. May silbi ka. Kaya ka nga nilagay sa mundog ito. Meron kang misyon at responsibilidad mo na hanapin ito!
Comments